Wednesday, September 4, 2013

- PAGMAMAHAL -

 presyo ng bilihin ang naging almusal ko ngayon…"nagtaas na ang presyo ng groceries. 22 na yang kape, hindi nako nakabili ng gatas dahil kulang ang budget…", hinaing ni nanay habang hinihiwa ang mga nabiling sibuyas sa palengke. hihirit pa sana ako ng pangalawa sa aking kinakain pero mukhang nadaig ng  maamong hinaing ni nanay ang halimaw na gutom ko. napatigil ako saglit sa paghigop ng kape.”… yung gasul, magiging isang libo na”, maluha-luhang pahabol ni nanay na parang nagmamakaawang dinadasalan yung mga sibuyas. nawalan agad ako ng gana sa almusal. ilang araw na bang hindi ako nakakakain ng matino? kelan ba talaga bababa ang presyo ng galunggong?  kung talagang totoo ang sinabi ni lola kahapon sa loob ng jeep na “pinagpapala ang mga nagtitiis”, hanggang kelan ba tayo magtitiis para pagpalain? kung sa simpleng “bawal tumawid” na patakaran sa harap ng mcdo sa session road e hindi natin masunod, may karapatan ba tayong magreklamo kung bakit hanggang ngayon e naghihirap pa rin tayo? kailangan ba talagang “i’d rather walk than pay” na lang lagi? kelan tayo “matututong gumamit ng elebeytor”? at bakit kailangang pumunta sa dswd ni lola? hayz, di pa talaga ako nakaka-recover sa kyut na lolang un…
.
.. hindi pa ako nakakaupo ng matino sa hapag kainan para mananghalian nang yung tatay ko naman ang biglang sumabad ng “habang tumataas ang kita mo, lalo rin namang nadadagdagan ang buwis na binabayaran mo! pati gasolina magmamahal na!” sabay higop sa mainit na sabaw. nagpanting ang tenga ko, naisip kong hindi nanaman ako makakakain ng matino. pasaway na gobyerno yan, hindi ba nila alam na may isang nilalang sa mundo na nasisira ang gana kumain ng almusal at tanghalian, at may isang lolang nagtatyagang maglakad kesa magbayad ng pamasahe dahil sa pahirap na presyo ng bilihin, mahal na pamasahe at taas ng buwis?
.
.
… kakainin ko na sana ang cheeseburger na meryenda ko sa hapong ito nang biglang nasambit ng mga katrabaho ko sa opisina ang mga katagang: “naku sir vic, ngaun pa lang habang wala ka pang asawa e magipon ka na.mahal ang gatas, mahal ang diaper, mahal ang checkup,at mahal ang pagpapaospital. halos lahat na lang binibili mo.” hay naku, akala ko tapos ko nang ulamin sa tanghalian ang ganitong usapan pero  di ko akalaing ito pa rin ang aking memeryendahin ngayon.  Labas nga muna ako mamaya at nang makabili ng kape at baka ilang oras mula ngayon e biglang lalong magmahal ang mahal na presyo ng kape..
.
.
halos lahat na nga nagmamahal na, pati araw nga e malapit na ring magmahal. apektado ng pagmamahal na yan ang almusal ko.. ang tanghalian ko, ang meryenda ko, at sigurado akong apektado ang hapunan ko mamaya dahil sa pagmamahal na yan.

Tanay, Rizal

Tuesday, September 3, 2013

- LUCKY DAY-

Halos nalibot ko na ang buong Baguio, pero halos lahat ng ATMs, may topak. Pambihira naman, hindi pa nga pala ako nakapag-almusal at hindi rin nakaligo. Para tuloy akong adik na nakasakay ng motor habang naghahanap ng gumaganang atm. Paubos na rin pala gasolina ko at siguradong hindi na to kasya saking paguwi. Sa wakas, nakahanap na rin ng matinong atm at nakapag-withdraw. Pero panibagong problema, may nagpark na mga sasakyan sa tabi ng motor ko... nakorner at di ko mailabas. Napa-taxi tuloy ako ng wala sa oras. Buti na lang hindi bawal ang nakasakay ng taxi na may helmet. Nakahabol naman ako sa deadline ng gagawin ko, kaso naubusan ako ng pera pamasahe pabalik sa motor ko. Natanggal pa swelas ng sapatos ko, at magulo ang hitsura ko dahil sa mga naunang pangyayari. Naglakad na lang ako ng pagkahaba-haba pabalik sa motor ko. Mukha nga akong puyat na batang gusgusin na may hawak ng helmet na nagpuprusisyon mag-isa sa Session road kanina. At biniro pako ng tadhana: nasalubong ko pa yung babaeng hinahangaan ko. Adik naman, di ko makuhang tumingin sa kanya dahil sa hitsura kong parang hampaslupang kulang sa nutrisyon. Kung bakit naman kasi nagkasabay-sabay pang nangyari ang mga ito.  Pambihira talaga... sirang sira ang pogi points ko.

Penge ngang kape... hmpfff..

Aliw Theater, Manila

Monday, September 2, 2013

- TANING -

Tinaningan ako ng isang oras... kailangan kong makarating sa aming tagpuan sa loob lamang ng isang oras kung kaya't pakandirit akong sumakay sa aking motorsiklo at mabilis na naglakbay pababa ng Kennon road. Sa buong buhay ko, ngaun ko lang napatakbo ng ganito kabilis ang aking motor sa paliku-likong daan pababa ng kabundukan. Naisip kong bahala na si batman, makarating lang ako sa tagpuan sa loob ng napagkasunduang oras.

Mabagal ang sinusundan kong van kung kaya't nagovertake na lang ako. Hindi ko namalayang may parating na jeep. Napakabilis ng mga sumunod na mga pangyayari.... umalingawngaw ang tunog ng mga preno at busina.... nagsigawan ang mga babaeng sakay ng jeep at van... pumailanglang ang makapal na alikabok... at biglang dumanak ang kulay pulang likido sa daan.

Nahawi ang makapal na alikabok at natulala ang karamihan sa nasaksihan: nakasandal nako sa harap ng jeep, sakay pa rin ng aking motor at pilit bumabangon. Kinapa-kapa ko ang sarili ko at pinakiramdaman ang paligid. Akala ko ay dedo nako kung kayat tumingin-tingin ako sa paligid baka sakaling makita ko ang aking katawang lupa na nakahandusay sa daan.... pero hindi. Napansin ko ang kulay pulang likido sa daan. Kinabahan ako.... siguro sa ganitong paraan ako mawawalan ng buhay... yung maubusan ng dugo. Kaso may biglang sumigaw na bata, "mamaaa, yung juice ko natapon!" ... sabay hagulgol.

Adik lang talaga. Akala ko katapusan ko na. At dahil sa nerbyos sa pangyayari, muntik nanamang maulit to sa may bandang dulo ng Kennon. Pambihira, dalawang beses na magkasunod.

Mabuti na lang talaga at ligtas, buhay, at buo pa rin akong nakauwi. Masisilayan ko pa ang pagibig ko, at may pag-asa pa akong tuparin ang pangarap kong makasalo sa mesa si Jessie Mendiola habang pareho kaming kumakain ng fries at burger sa McDo.



Tapuakan River, Pugo, La Union