Tuesday, June 11, 2013

-PARA SA NAGIISANG LALAKING NAGPATIBOK NG AKING PUSO-

Ilang beses na bang binuno mo ang pagod at hirap sa ilalim ng araw, magkaroon lang tayo ng maihahain sa hapag kainan? Na kahit magkasugat -sugat ang mga kamay mo maibili mo lang ako ng pinakapaborito kong laruan? O kaya kahit na magkandakuba ka na sa kapapasan ng mga mabibigat na bagay, makapagaral lang ako? Natatandaan ko pa nga ang mga panahong tinitiis mo lang ang magdildil ng toyo at asin upang may masarap lang kaming makakain.

Ngayon, iginugupo na ng panahon ang iyong lakas. Hindi ka na tulad ng dati. Halos mangiyak-ngiyak na nga ako nung isang araw na nagising ako at nakita kong hirap ka na sa pagpapasan ng tangke ng gasul. Kung bakit naman kasi hindi nyo ako ginising agad. Ayos lang naman eh, na kahit pasanin ko ang buong mundo, wag lang kayong mahirapan. Hindi ka man kasinglakas na tulad ng dati, mananatiling ikaw pa rin ang nagiisang matibay na haligi ng aming tahanan.

Advance happy father's day Tay. Greet na kita ngaun habang humihinga pako. Malay natin bukas e hindi na..... joke. Hehe. Nood pa tayo ng war movies ha?

*(wink)*


Aliw Theater, Manila

Monday, June 10, 2013

-SHOWBIZ-

Tumayo lang naman ako sa lugar na yun habang hinihintay kong dumating yung kasama ko. Hindi ko alam kung bakit pinagtitinginan ako ng mga tao. Pakiramdam ko tuloy, artistahin ang hitsura ko sa mga oras na yun. Halos lahat nga ng mapadaan eh hindi nila maiwasang tumingin sa akin. Sa totoo lang, ngayon ko lang naramdaman ang maging isang pogi dahil sa nangyayari sa aking paligid.

Lumipas ang mga sandaling ninamnam ko ang pakiramdam ng isang artistahin, at di sinasadyang napatingin ako sa aking likuran. Napahiya ako sa itinambad sakin ng tadhana: listahan pala ng "now showing" yung nasa likuran ko... kaya pala.

Bad trip.

Seapark, San Fernando, La Union






Tuesday, June 4, 2013

- GALUNGGONG -

"Pinagpapala ang mga nagtitiis! I'd rather walk than pay!" - naalala ko muli ang lakas loob na biglang sabad ng isang lola sa loob ng sinasakyan naming jeep habang binabaybay ang kalsada ng Bonifacio dito sa Baguio, mga higit tatlong buwan na ang nakararaan. Komento nya yon dahil sa narinig na balita sa radyo tungkol sa taas ng presyo ng mga bilihin. Tameme kaming lahat na kapwa pasahero habang pinapanood ang lola na sa sa tindi ng pagkakasabi ng katagang yaon ay muntik nang tumilapon ang pustiso nya sa harap ko. Hanggang kailan nga ba tayo magtitiis? Bakit ba kasi kailangan pa nating magtiis? Hanggang kelan ko idadahilan ang dahilan kung bakit hindi ako makapag-asawa ay dahil sa kadahilanang mataas ng presyo ng galunggong? 

grabe na talaga ang presyo ng galunggong
na aming laging kinakain, sa ilalim ng iisang bubong
mura pa raw noon, ngunit sobrang mahal na ngayon
mukhang kukulangin, ang budget sa maghapon

mabuti na lang pala, ako ay isa pang binata
subali't paano na, kung ako ay nag-asawa?
kung ang mga anak ay ginutom bigla
hindi naman pwedeng ipagwalang-bahala

kaya dapat lang talagang itodo ang kayod
dahil sadyang maliit, itong aking sahod
sumakit man ang likod, o mangatog ang tuhod
aking haharapin, kahit anong pagod.


The Fort, Taguig City