Wednesday, July 17, 2013

-TAGUAN-

Di ako nakatulog kagabi. Nagpabaling-baling lang ako sa higaan. Tumakbo lang sa isip ko ang mga nabitiwan kong pangako. At kagabi ko lang napagtanto na isa sa pinakamahirap gawin sa mundo ay yung pilit mo pa ring tinutupad ang mga pangakong binitiwan mo subalit yung taong pinangakuan mo ay ang siyang mismong lumayo.

Para ka tuloy isang batang taya sa larong taguan at pinauwi na lahat ng kalaro mo habang nagbibilang ka.

Kung kaya't minsan, di mo na alam kung ano o sino ang dapat sisihin: Ang hangin na nilaglag yung dahon mula sa halaman? Ang dahon na hindi kumapit sa halaman ng mabuti? O ang halaman na pinabayaan malaglag yung dahon?

Pero mapagbiro din naman ang tadhana minsan. Aabot din sa puntong may isang nilalang na darating na siyang magiging dahilan upang kailangan mong ang nawalang pangarap ay muling umpisahan.... Ipako na ang pangako ng nakaraan... Ang syang magpapatuloy ng larong taguan... At  ang magpapayabong muli ng halamanan.
PICC, Manila

Monday, July 1, 2013

-TAXI-

Naisip nanaman kita. Hindi ko na nga namalayan na makailang beses ko na palang nilakad paikot ang Session road noong araw na iyon. Sa tingin ko, naka-sampu at kalahati akong ikot. Paakyat-pababa akong nagpalakad-lakad na parang wala sa sarili. At dahil medyo nakaramdam nako ng pagod, nagpasya na lang akong maglakad pauwi tutal, trapik din naman at malamig ang panahon.

Wala pa rin ako sa sariling naglalakad. Ikaw lang talaga ang iniisip ko at wala akong pakialam sa mga nangyayari sa paligid ko. Nasa may SLU nako nang poof! biglang may nagbukas ng pinto ng taxi sa tabi ko. Nabangga ako nung pintuan at tumilapon ng kaunti. Nagtawanan yung ibang estudyante at taong naglalakad. Kita pa nga yung ngalangala nung aleng nagtitinda ng mais sa lakas ng tawa nya e. Pambihira naman o, ayos na sana ang drama ko kaso sumemplang lang nung mga sandaling yun.

Bumalik ang ulirat ko. Pero natulala ulit ako nung bumaba sa taxi yung pasahero. Babae. Maganda. Magandang-maganda. Abot langit ang paghingi nya ng pasensya sakin.

Pakiramdam ko ng mga sandaling yon, ay tinapik ako ng langit. Nagpapaalala na may iba pang mga bagay na dapat isipin at seryosohin. Pero kahit na nagkandagasgas ang braso ko dahil sa tapik na yon, ayos lang kahit ulitulitin dahil ganito kaganda naman ang anghel na mananapik at hindi mo iindahin ang sakit dahil matutulala ka talaga. Anghel na sa kurot pa lang, langit na.


JP Morgan Chase Building, Bonifacio Global City, Taguig