Thursday, October 24, 2013

- KANDUNGAN -


ilang gabi nakong ngarag kung kaya't umupo ako sa pinakadulong bahagi ng bus para makatulog ng maayos at hindi naiistorbo kapag may pasaherong dadaan upang bumaba o kaya e sumakay.  kaso, yung katabi kong lalaki na tulog e napapasandal sa balikat ko yung ulo nya. adik talaga oo.. parang kinikilig pa nga yung matandang kahanay ng upuan namin dahil nakita nya ang kalunos-lunos na hitsura ko habang sarap na sarap sa paghilik yung lalaking yun sa balikat ko. parang "my husbands lover" na bus edition ang hitsura namin...  unti-unti akong natunaw sa kahihiyan dahil doon.

pambihira talaga, parang gusto kong hamunin ulit ng suntukan si Iron Man. di tuloy ako nakapagpahinga sa byahe kong yun kung kaya't mukha akong adik kinabukasan. buti sana kung si Jessie Mendiola ang nakatabi kong yun at ok lang kahit gawin nyang unan ang balikat ko.. may kasama pang yakap. bwahahahahhahahaha

Sta. Fe, Philex Mines, Benguet

Thursday, October 10, 2013

- ANINO -

Bigla-bigla na lang na naamoy ko ang nakakatindig balahibong halimuyak ng dama de noche sa gabing malamig. Napansin ko, magisa ko na lang palang binabagtas ang kahabaan ng South Drive habang may manipis na ulap na bumabalot sa kapaligiran. Walang buwan at ang tanging tanglaw sa dinaraanan ay ang aandap-andap na ilaw ng aking motor.

Nang biglang may umalulong na aso at naalala ko, sa lugar na ito mismo madaming namatay dahil sa lindol maraming taon na ang nakalilipas. At matapos ang ilang sandali, may nakita akong limang anino sa may di kalayuan. Sa likod nila ay parang hugis nitsong bagay na di ko mawari kung ano ba talaga dahil nababalot ng ulap. Kinabahan ako at unti-unting namuo ang mga mumunting pawis sa aking noo. Nang may biglang sumipol sa akin. Napatigil ako. Kinilabutan. At lumapit ang isa sa mga anino:

"Boss, comelec checkpoint lang po, pakilabas ang lisensya at o.r./c.r. ng motor nyo. salamat po. "

...... Pambihira, muntik nakong maihi sa salawal ko dahil sa kaba. hmppfffff.....
 
 
SM Mall of Asia, Pasay City

Wednesday, September 4, 2013

- PAGMAMAHAL -

 presyo ng bilihin ang naging almusal ko ngayon…"nagtaas na ang presyo ng groceries. 22 na yang kape, hindi nako nakabili ng gatas dahil kulang ang budget…", hinaing ni nanay habang hinihiwa ang mga nabiling sibuyas sa palengke. hihirit pa sana ako ng pangalawa sa aking kinakain pero mukhang nadaig ng  maamong hinaing ni nanay ang halimaw na gutom ko. napatigil ako saglit sa paghigop ng kape.”… yung gasul, magiging isang libo na”, maluha-luhang pahabol ni nanay na parang nagmamakaawang dinadasalan yung mga sibuyas. nawalan agad ako ng gana sa almusal. ilang araw na bang hindi ako nakakakain ng matino? kelan ba talaga bababa ang presyo ng galunggong?  kung talagang totoo ang sinabi ni lola kahapon sa loob ng jeep na “pinagpapala ang mga nagtitiis”, hanggang kelan ba tayo magtitiis para pagpalain? kung sa simpleng “bawal tumawid” na patakaran sa harap ng mcdo sa session road e hindi natin masunod, may karapatan ba tayong magreklamo kung bakit hanggang ngayon e naghihirap pa rin tayo? kailangan ba talagang “i’d rather walk than pay” na lang lagi? kelan tayo “matututong gumamit ng elebeytor”? at bakit kailangang pumunta sa dswd ni lola? hayz, di pa talaga ako nakaka-recover sa kyut na lolang un…
.
.. hindi pa ako nakakaupo ng matino sa hapag kainan para mananghalian nang yung tatay ko naman ang biglang sumabad ng “habang tumataas ang kita mo, lalo rin namang nadadagdagan ang buwis na binabayaran mo! pati gasolina magmamahal na!” sabay higop sa mainit na sabaw. nagpanting ang tenga ko, naisip kong hindi nanaman ako makakakain ng matino. pasaway na gobyerno yan, hindi ba nila alam na may isang nilalang sa mundo na nasisira ang gana kumain ng almusal at tanghalian, at may isang lolang nagtatyagang maglakad kesa magbayad ng pamasahe dahil sa pahirap na presyo ng bilihin, mahal na pamasahe at taas ng buwis?
.
.
… kakainin ko na sana ang cheeseburger na meryenda ko sa hapong ito nang biglang nasambit ng mga katrabaho ko sa opisina ang mga katagang: “naku sir vic, ngaun pa lang habang wala ka pang asawa e magipon ka na.mahal ang gatas, mahal ang diaper, mahal ang checkup,at mahal ang pagpapaospital. halos lahat na lang binibili mo.” hay naku, akala ko tapos ko nang ulamin sa tanghalian ang ganitong usapan pero  di ko akalaing ito pa rin ang aking memeryendahin ngayon.  Labas nga muna ako mamaya at nang makabili ng kape at baka ilang oras mula ngayon e biglang lalong magmahal ang mahal na presyo ng kape..
.
.
halos lahat na nga nagmamahal na, pati araw nga e malapit na ring magmahal. apektado ng pagmamahal na yan ang almusal ko.. ang tanghalian ko, ang meryenda ko, at sigurado akong apektado ang hapunan ko mamaya dahil sa pagmamahal na yan.

Tanay, Rizal

Tuesday, September 3, 2013

- LUCKY DAY-

Halos nalibot ko na ang buong Baguio, pero halos lahat ng ATMs, may topak. Pambihira naman, hindi pa nga pala ako nakapag-almusal at hindi rin nakaligo. Para tuloy akong adik na nakasakay ng motor habang naghahanap ng gumaganang atm. Paubos na rin pala gasolina ko at siguradong hindi na to kasya saking paguwi. Sa wakas, nakahanap na rin ng matinong atm at nakapag-withdraw. Pero panibagong problema, may nagpark na mga sasakyan sa tabi ng motor ko... nakorner at di ko mailabas. Napa-taxi tuloy ako ng wala sa oras. Buti na lang hindi bawal ang nakasakay ng taxi na may helmet. Nakahabol naman ako sa deadline ng gagawin ko, kaso naubusan ako ng pera pamasahe pabalik sa motor ko. Natanggal pa swelas ng sapatos ko, at magulo ang hitsura ko dahil sa mga naunang pangyayari. Naglakad na lang ako ng pagkahaba-haba pabalik sa motor ko. Mukha nga akong puyat na batang gusgusin na may hawak ng helmet na nagpuprusisyon mag-isa sa Session road kanina. At biniro pako ng tadhana: nasalubong ko pa yung babaeng hinahangaan ko. Adik naman, di ko makuhang tumingin sa kanya dahil sa hitsura kong parang hampaslupang kulang sa nutrisyon. Kung bakit naman kasi nagkasabay-sabay pang nangyari ang mga ito.  Pambihira talaga... sirang sira ang pogi points ko.

Penge ngang kape... hmpfff..

Aliw Theater, Manila

Monday, September 2, 2013

- TANING -

Tinaningan ako ng isang oras... kailangan kong makarating sa aming tagpuan sa loob lamang ng isang oras kung kaya't pakandirit akong sumakay sa aking motorsiklo at mabilis na naglakbay pababa ng Kennon road. Sa buong buhay ko, ngaun ko lang napatakbo ng ganito kabilis ang aking motor sa paliku-likong daan pababa ng kabundukan. Naisip kong bahala na si batman, makarating lang ako sa tagpuan sa loob ng napagkasunduang oras.

Mabagal ang sinusundan kong van kung kaya't nagovertake na lang ako. Hindi ko namalayang may parating na jeep. Napakabilis ng mga sumunod na mga pangyayari.... umalingawngaw ang tunog ng mga preno at busina.... nagsigawan ang mga babaeng sakay ng jeep at van... pumailanglang ang makapal na alikabok... at biglang dumanak ang kulay pulang likido sa daan.

Nahawi ang makapal na alikabok at natulala ang karamihan sa nasaksihan: nakasandal nako sa harap ng jeep, sakay pa rin ng aking motor at pilit bumabangon. Kinapa-kapa ko ang sarili ko at pinakiramdaman ang paligid. Akala ko ay dedo nako kung kayat tumingin-tingin ako sa paligid baka sakaling makita ko ang aking katawang lupa na nakahandusay sa daan.... pero hindi. Napansin ko ang kulay pulang likido sa daan. Kinabahan ako.... siguro sa ganitong paraan ako mawawalan ng buhay... yung maubusan ng dugo. Kaso may biglang sumigaw na bata, "mamaaa, yung juice ko natapon!" ... sabay hagulgol.

Adik lang talaga. Akala ko katapusan ko na. At dahil sa nerbyos sa pangyayari, muntik nanamang maulit to sa may bandang dulo ng Kennon. Pambihira, dalawang beses na magkasunod.

Mabuti na lang talaga at ligtas, buhay, at buo pa rin akong nakauwi. Masisilayan ko pa ang pagibig ko, at may pag-asa pa akong tuparin ang pangarap kong makasalo sa mesa si Jessie Mendiola habang pareho kaming kumakain ng fries at burger sa McDo.



Tapuakan River, Pugo, La Union

Wednesday, August 28, 2013

- HARDWORK -



"Hard Work Beats Talent, When Talent Doesn’t Work Hard"  

 -nabasa ko ang katagang yan sa likod ng damit ng isang magbobote kanina sa Trancoville. Astig, nainspire ako bigla. Madalas, sa mga simpleng tao gaya ni Manong ka nakakapulot ng mga magagandang aral sa buhay. Mga aral na dumarating sa mga oras na pakiramdam mo e gusto mo nang sumuko.

Joyville Children's Hoe, Tanay, Rizal

Tuesday, August 27, 2013

- SEPILYO -

Sa kaiisip ko sayo, kutsilyo ang muntik ko nang ipinansepilyo kanina. Ilang linggo nang lagi kang laman ng isip ko. Masyado na yata akong nabighani sa mga titig mo. Sa mga mata kasi ako unang naaakit, at yun ang nadale mo. Napapangiti ako magisa pag naaalala ko ang mga titig na yan.  At yun nga, dahil sa nawawala ako sa sarili pag ikaw ang laman ng utak ko, di ko namalayan kanina na nilalagyan ko na ng toothpaste yung kutsilyong ipinanghiwa ko ng manga. Isusubo ko na sana e, buti na lang naalimpungatan ako at bumalik ang diwa ko. Konti na lang talaga, magiging parang tinadtad na karne ang bibig ko kung nagkaganon.  

Andaya mo. Nararanasan mo rin ba ang ganito sa tuwing naaalala mo ako? Napagkakamalan mo rin bang straw yung tinidor minsan kapag umiinom  ka ng softdrink sa loob ng Jollibee? O kaya yung mapapaluha ka na lang sa sakit dahil bigla mong ininom ung napakainit na kape dahil nga wala ka sa sarili? O yung akala mo e cellphone pero magtataka ka na lang na bareta pala ng sabon ang hawak mo nung magtetext ka na sana?  

Nakakamatay nga talaga ang tunay na pagibig minsan, pero madalas nakakawala ng katinuan.  

Makapagkape na nga lang muna.

Marcos Highway, Pugo, La Union

Friday, August 23, 2013

- CHICKEN AND EGG SANDWICH -

kailangan mong kumilos. huwag kang masyadong dumepende sa mga nakaugalian mo nang gawin at hinihintay na lang ang tadhanang magbigay sayo ng magandang pagkakataon. gumawa ka ng sarili mong pangalan. mahirap din naman kase yung nabubuhay ka lang sa anino ng iba.

at kapag parang walang nangyayare, magiba ka ng diskarte. kasi panahon ang nasasayang kung parepareho lang ang diskarte mo sa buhay. kailangan mo ring magbago paminsan-minsan.

parang ganito lang yan eh: "if you eat a chicken and egg sandwich, you’re basically eating one thing at different times of its life. " nhaks ang galing! english kase.


Tublay, Benguet

- KALAMANSI -

Alas-singko na ng madaling araw pero nandito pa rin ako sa opisina. Mahilu-hilo na ulit ako dahil sa antok. Isang oras pa ang hihintayin ko at pwede nang makauwi at matulog. Nang biglang bumukas ang pinto ng opisina at dumungaw ang isang tindera at isang bata. "Meron na pong luugaaaw" malumanay at malambing na sigaw nung bata. Tumigil ako sa ginagawa ko at napatingin sa tindera. Naisip ko, kung ganito kaganda ang nagtitinda ng lugaw, abah, kahit lugaw na ang pagkain ko habambuhay.

Kinapa ko ang bulsa ko. Nalukot na beinte pesos na lang pala ang natitirang kayamanan ko pero ayos lang dahil sahod naman bukas. Handa kong ipambili ng lugaw tong natitirang pera ko makilala lang ang tinderang iyon. Naisip ko ulit na baka dahil sa lugaw lang e matagpuan ko na ang tunay na pagibig. Lumapit ako at bumili. Wala siyang kaimik-imik na iniabot sakin ang inorder ko. Nahawakan ko pa nga ang kamay nya nung iniabot nya sakin ung isang mangkok ng lugaw. Naisip kong lagyan ng kalamansi ung lugaw para mas lalong sumarap kaya kumuha ako dun sa lalagyan nya.

Kasalukuyang nilalagyan ko ng kalamansi yung pagkain ko nang magsilabasan yung iba kong katrabaho. Parang gumuho ang mundo ko nang masaksihan ko ang mga sumunod na nangyari:

Bading na kaopisina ko: " hoy bakla, bakit ngayon ka lang dumating?"
Tindera: "ahahayyy nako girl, late nako nakaborlog, kaya late na rin ang cookie monster..."
Kaopisina ko: "echosera ka, paorder ng isa. jutomis na aketch "
Tindera: "uhmm eto girl. akina ang payola mo, baka magfly ka nanaman makalimutan mo .... "

!

..... hindi ko na napakinggan ang mga sumunod na usapan nila. Nanlamig ang paligid ko at di ko namamalayan na sobra-sobrang dami na ng kalamansi ang nailagay ko sa pagkain ko. Pambihira naman o, di ako makapaniwalang nadale ako ng isang yun, mangiyak-ngiyak tuloy akong inubos ang sobrang asim na lugaw na yun. Nanghinayang pako dun sa beinte pesos ko... kung ipinangkape ko nalang sana, hindi na sana sumama ang loob ko.

Ilang araw nang binibiro ako ng tadhana ah. Pero ok lang naman ako eh, ok lang.


Dave's Place - Joyville Children's Home, Tanay, Rizal

Wednesday, July 17, 2013

-TAGUAN-

Di ako nakatulog kagabi. Nagpabaling-baling lang ako sa higaan. Tumakbo lang sa isip ko ang mga nabitiwan kong pangako. At kagabi ko lang napagtanto na isa sa pinakamahirap gawin sa mundo ay yung pilit mo pa ring tinutupad ang mga pangakong binitiwan mo subalit yung taong pinangakuan mo ay ang siyang mismong lumayo.

Para ka tuloy isang batang taya sa larong taguan at pinauwi na lahat ng kalaro mo habang nagbibilang ka.

Kung kaya't minsan, di mo na alam kung ano o sino ang dapat sisihin: Ang hangin na nilaglag yung dahon mula sa halaman? Ang dahon na hindi kumapit sa halaman ng mabuti? O ang halaman na pinabayaan malaglag yung dahon?

Pero mapagbiro din naman ang tadhana minsan. Aabot din sa puntong may isang nilalang na darating na siyang magiging dahilan upang kailangan mong ang nawalang pangarap ay muling umpisahan.... Ipako na ang pangako ng nakaraan... Ang syang magpapatuloy ng larong taguan... At  ang magpapayabong muli ng halamanan.
PICC, Manila

Monday, July 1, 2013

-TAXI-

Naisip nanaman kita. Hindi ko na nga namalayan na makailang beses ko na palang nilakad paikot ang Session road noong araw na iyon. Sa tingin ko, naka-sampu at kalahati akong ikot. Paakyat-pababa akong nagpalakad-lakad na parang wala sa sarili. At dahil medyo nakaramdam nako ng pagod, nagpasya na lang akong maglakad pauwi tutal, trapik din naman at malamig ang panahon.

Wala pa rin ako sa sariling naglalakad. Ikaw lang talaga ang iniisip ko at wala akong pakialam sa mga nangyayari sa paligid ko. Nasa may SLU nako nang poof! biglang may nagbukas ng pinto ng taxi sa tabi ko. Nabangga ako nung pintuan at tumilapon ng kaunti. Nagtawanan yung ibang estudyante at taong naglalakad. Kita pa nga yung ngalangala nung aleng nagtitinda ng mais sa lakas ng tawa nya e. Pambihira naman o, ayos na sana ang drama ko kaso sumemplang lang nung mga sandaling yun.

Bumalik ang ulirat ko. Pero natulala ulit ako nung bumaba sa taxi yung pasahero. Babae. Maganda. Magandang-maganda. Abot langit ang paghingi nya ng pasensya sakin.

Pakiramdam ko ng mga sandaling yon, ay tinapik ako ng langit. Nagpapaalala na may iba pang mga bagay na dapat isipin at seryosohin. Pero kahit na nagkandagasgas ang braso ko dahil sa tapik na yon, ayos lang kahit ulitulitin dahil ganito kaganda naman ang anghel na mananapik at hindi mo iindahin ang sakit dahil matutulala ka talaga. Anghel na sa kurot pa lang, langit na.


JP Morgan Chase Building, Bonifacio Global City, Taguig

Tuesday, June 11, 2013

-PARA SA NAGIISANG LALAKING NAGPATIBOK NG AKING PUSO-

Ilang beses na bang binuno mo ang pagod at hirap sa ilalim ng araw, magkaroon lang tayo ng maihahain sa hapag kainan? Na kahit magkasugat -sugat ang mga kamay mo maibili mo lang ako ng pinakapaborito kong laruan? O kaya kahit na magkandakuba ka na sa kapapasan ng mga mabibigat na bagay, makapagaral lang ako? Natatandaan ko pa nga ang mga panahong tinitiis mo lang ang magdildil ng toyo at asin upang may masarap lang kaming makakain.

Ngayon, iginugupo na ng panahon ang iyong lakas. Hindi ka na tulad ng dati. Halos mangiyak-ngiyak na nga ako nung isang araw na nagising ako at nakita kong hirap ka na sa pagpapasan ng tangke ng gasul. Kung bakit naman kasi hindi nyo ako ginising agad. Ayos lang naman eh, na kahit pasanin ko ang buong mundo, wag lang kayong mahirapan. Hindi ka man kasinglakas na tulad ng dati, mananatiling ikaw pa rin ang nagiisang matibay na haligi ng aming tahanan.

Advance happy father's day Tay. Greet na kita ngaun habang humihinga pako. Malay natin bukas e hindi na..... joke. Hehe. Nood pa tayo ng war movies ha?

*(wink)*


Aliw Theater, Manila

Monday, June 10, 2013

-SHOWBIZ-

Tumayo lang naman ako sa lugar na yun habang hinihintay kong dumating yung kasama ko. Hindi ko alam kung bakit pinagtitinginan ako ng mga tao. Pakiramdam ko tuloy, artistahin ang hitsura ko sa mga oras na yun. Halos lahat nga ng mapadaan eh hindi nila maiwasang tumingin sa akin. Sa totoo lang, ngayon ko lang naramdaman ang maging isang pogi dahil sa nangyayari sa aking paligid.

Lumipas ang mga sandaling ninamnam ko ang pakiramdam ng isang artistahin, at di sinasadyang napatingin ako sa aking likuran. Napahiya ako sa itinambad sakin ng tadhana: listahan pala ng "now showing" yung nasa likuran ko... kaya pala.

Bad trip.

Seapark, San Fernando, La Union






Tuesday, June 4, 2013

- GALUNGGONG -

"Pinagpapala ang mga nagtitiis! I'd rather walk than pay!" - naalala ko muli ang lakas loob na biglang sabad ng isang lola sa loob ng sinasakyan naming jeep habang binabaybay ang kalsada ng Bonifacio dito sa Baguio, mga higit tatlong buwan na ang nakararaan. Komento nya yon dahil sa narinig na balita sa radyo tungkol sa taas ng presyo ng mga bilihin. Tameme kaming lahat na kapwa pasahero habang pinapanood ang lola na sa sa tindi ng pagkakasabi ng katagang yaon ay muntik nang tumilapon ang pustiso nya sa harap ko. Hanggang kailan nga ba tayo magtitiis? Bakit ba kasi kailangan pa nating magtiis? Hanggang kelan ko idadahilan ang dahilan kung bakit hindi ako makapag-asawa ay dahil sa kadahilanang mataas ng presyo ng galunggong? 

grabe na talaga ang presyo ng galunggong
na aming laging kinakain, sa ilalim ng iisang bubong
mura pa raw noon, ngunit sobrang mahal na ngayon
mukhang kukulangin, ang budget sa maghapon

mabuti na lang pala, ako ay isa pang binata
subali't paano na, kung ako ay nag-asawa?
kung ang mga anak ay ginutom bigla
hindi naman pwedeng ipagwalang-bahala

kaya dapat lang talagang itodo ang kayod
dahil sadyang maliit, itong aking sahod
sumakit man ang likod, o mangatog ang tuhod
aking haharapin, kahit anong pagod.


The Fort, Taguig City

Monday, May 27, 2013

- ULAN -

nagmamadali na akong lumabas ng bahay. late na kasi ako sa usapan namin ng mga kasama ko. sakto namang bumuhos ang malakas na ulan at wala rin akong magamit na payong. di ko magamit ang motor ko, kasi wala rin akong kapote. bahala na. di bale nang mabasa, basta makarating ako sa napag-usapang lugar sa lalong madaling panahon. at saka isa pa, ayon sa saligang batas na pinauso ng katropa ko, di daw gumagamit ng payong ang tunay na lalaki. adik lang e, hindi mo naman siguro masususukat ang pagkalalaki ng isang tao dahil lang sa payong.... kunsabagay, kahit ako, ayoko rin namang gumamit ng payong.

huminga pa nga ako ng malalim, sabay humarurot ng takbo papunta sa sakayan ng jeep. malapit nako sa kanto ng Rimando nang napansin kong may isang dilag na nakatayo sa may waiting shed.... nakadilaw. maganda. basa na rin tulad ko at hinhintay tumigil ang ulan. tumingin siya sakin... at gaya ng dati, tumigil ulit ang mundo ko dahil sa mga titig nya. muntik pa nga akong madapa. sa mga mata talaga ako unang nabibighani. napatigil tuloy ako sa pagtakbo, at wala akong pakialam kahit mabasa pako. nagkatinginan kami ng matagal. di ko alintana ang mga patak ng ulan. para tuloy gusto kong sabhin sa kanya na baka ako na ang tunay na pagibig na hinihintay nya doon sa waiting shed. kaso di ako makapagsalita dahil sa kagandahang itinambad sakin ng tadhana sa mga sandaling yun.

tumigil ang ulan. dumungaw ang araw. di man kami nagusap, pero ramdam ang tahimik na pamamaalam namin sa isa't isa.

parang telenobela lang e, pero seryoso. kung sa bawat pagpatak ng ulan ay ganito kagandang nilalang ang makikita ko,  masaya akong lulusong kahit pa sa malakas na bagyo.


Holy Ghost Barangay, Baguio City

Friday, May 24, 2013

- PUSTISO -

"Pinagpapala ang mga nagtitiis! I'd rather walk than pay!" - naalala ko muli ang lakas loob na biglang sabad ng isang lola sa loob ng sinasakyan naming jeep habang binabaybay ang kalsada ng Bonifacio dito sa Baguio, mga higit tatlong buwan na ang nakararaan. Komento nya yon dahil sa narinig na balita sa radyo tungkol sa taas ng presyo ng mga bilihin. Tameme kaming lahat na kapwa pasahero habang pinapanood ang lola na sa sa tindi ng pagkakasabi ng katagang yaon ay muntik nang tumilapon ang pustiso nya sa harap ko.

Hanggang kailan nga ba tayo magtitiis? Bakit ba kasi kailangan pa nating magtiis? Hanggang kelan ko idadahilan ang dahilan kung bakit hindi ako makapag-asawa ay dahil sa kadahilanang mataas ng presyo ng galunggong?

Teresa Public Market, Teresa, Rizal

Thursday, May 23, 2013

- ANG KWENTONG HINDI MAIKWENTO -

Darating yung araw na ang lahat ng nakasulat sa isip ko ay mapapantayan ko din ng tamang salita para gawan ng isang magandang kwento. Yung kwento nating dalawa, kung paano tayo unang nagkakilala at kung bakit ikaw ang gusto kong makasama. Kung paano ako matulala sa iyong mga titig. Kung paano ako nawawala sa aking sarili kapag nakikita kita. Sana walang makikisawsaw, walang makikialam. Yung masasabi ko sa buong mundo na ako'y sa iyo at ika'y akin lamang. Tayo ang aayos ng sarili nating problema kung magkaroon man, parehong ngingiti dahil kinikilig, at sabay na aabutin ang mga pangarap.

Sabi ko pa nga dati di ba, handa kong ipagsigawan sa buong mundo kung gaano kita kamahal at kung gaano kita kayang ipaglaban. Pero anong silbi ng pagsigaw ko kung wala namang ibang makikinig kundi tayo? Ano pang halaga ng paghiyaw ko kung di rin lang naman tayo kayang intindihin ng ibang tao? Mapapaos lang ako. Sasabihin lang nilang nasisiraan tayo ng ulo.

Gustong gusto kong ikwento ang pinakamagandang kwentong meron ako sa ngayon. Madaling simulan sa “Noong unang panahon..” pero napakahirap kapag dumating sa puntong kelangan ko nang itigil dahil tapos na ang ating kwento. Mas mabuti na siguro yung ganito, yung parang hindi matapos tapos dahil mas pinili nating wag munang umpisahan para hindi tayo magkagalos.


Antipolo  Cityc

Wednesday, May 22, 2013

- NATURAL GPS -


malalaman mo na lang na malapit ka na sa pupuntahan mo kung nakikita mo nang nagpupulbos, nagme-makeup at nagaayos ang mga babaeng pasahero sa loob ng bus......


oha, anong sinabi ng GPS?? 



Tublay, Benguet

- BULALO -


ginutom ako..... at ang tanging nakita kong makakatulong upang mawala ang nagwawalang halimaw sa bituka ko ay ang isang maliit na bulaluhan... sa tabi ng lumang sementeryo.... nawala gutom ko... ^^


Paterno Caves, Benguet