Thursday, May 23, 2013

- ANG KWENTONG HINDI MAIKWENTO -

Darating yung araw na ang lahat ng nakasulat sa isip ko ay mapapantayan ko din ng tamang salita para gawan ng isang magandang kwento. Yung kwento nating dalawa, kung paano tayo unang nagkakilala at kung bakit ikaw ang gusto kong makasama. Kung paano ako matulala sa iyong mga titig. Kung paano ako nawawala sa aking sarili kapag nakikita kita. Sana walang makikisawsaw, walang makikialam. Yung masasabi ko sa buong mundo na ako'y sa iyo at ika'y akin lamang. Tayo ang aayos ng sarili nating problema kung magkaroon man, parehong ngingiti dahil kinikilig, at sabay na aabutin ang mga pangarap.

Sabi ko pa nga dati di ba, handa kong ipagsigawan sa buong mundo kung gaano kita kamahal at kung gaano kita kayang ipaglaban. Pero anong silbi ng pagsigaw ko kung wala namang ibang makikinig kundi tayo? Ano pang halaga ng paghiyaw ko kung di rin lang naman tayo kayang intindihin ng ibang tao? Mapapaos lang ako. Sasabihin lang nilang nasisiraan tayo ng ulo.

Gustong gusto kong ikwento ang pinakamagandang kwentong meron ako sa ngayon. Madaling simulan sa “Noong unang panahon..” pero napakahirap kapag dumating sa puntong kelangan ko nang itigil dahil tapos na ang ating kwento. Mas mabuti na siguro yung ganito, yung parang hindi matapos tapos dahil mas pinili nating wag munang umpisahan para hindi tayo magkagalos.


Antipolo  Cityc

No comments:

Post a Comment