sa bahay na yan ako unang tinawag na 'dormitorian'. ngunit higit sa lahat, sa lugar na yan ako unang tinawag na 'brader'. naging kuya ako ng lahat, bata man o matanda. sumbungan ng bayan, labasan ng sama ng loob ng sinuman. madaming tao ang umalis, at madami rin ang dumating. ngunit iisa lang naman ang nanatili -- ang pagiging 'brader' ko sa mga taong kinupkop, kinukupkop, at kukupkupin ng institusyong ito. doon ko naramdaman ang kakaibang respeto na ipinagkakaloob sa isang kuya, at yon ang isa sa bumuo ng pagkatao ko.
doon ko naranasang makipagkwentuhan kahit na mapuyat at maglaba kahit inaapoy ng lagnat. sama-sama kami sa paghahanap ng malapit nang ma-expire na pagkain sa pridyider. sama-samang nagutom. sama-samang nabusog. nagkasamaan ng loob minsan, subalit higit na mas madami ang pagkakataong magaan ang loob namin sa isa't isa. kami ma'y iba-iba subali't nananatiling iisang pamilya. simple lang ang buhay pero higit pa sa salapi ang kayamanang natanggap ko sa pagtira sa lugar na yun.
The Salvation Army Makati Corps and Dormitory - Brgy., Pinagkaisahan, Makati City |
No comments:
Post a Comment