Saturday, May 18, 2013

- PARA KAY MAE-

Wala akong kaalam-alam kung bakit ako inilagay ng tahana sa lugar at sandaling iyon. Nakita kitang nagi-isa at umiiyak sa isang tabi. Nilapitan kita at tinanong kung anong maitutulong ko. Ang sabi mo ay dalawang oras  mo nang hinihintay ang iyong kasintahan. Na-lowbat nang lahat-lahat ang telepono mo dahil sa kakatawag sa iyong sinisinta pero hindi siya sumasagot kung kaya't ipinahiram ko muna saglit ang telepono ko. Pero kahit anong gawin, hindi pa rin niya sinasagot ang bawat tawag at text natin.

Sabi mo ok ka lang, at baka nakakaabala ka na sa akin. Pero sa tingin ko, sa mga sandaling ganito, ay kailangan mo ng karamay kung kaya't sinamahan kitang maghintay. Hindi naman tayo magkakilala at ngayon lang tayo nagkatagpo, pero bakit ganon, isa nang malapit na kaibigan na ang turing ko sayo. Naghintay tayo ng mahigit tatlong oras sa lugar na iyon, sa pag-aakalang darating ang taong importante sa iyo. Pero bigo tayo. Hindi kita masisisi kung sa mga sandaling yon ay hindi mo maiwasang sambitin na parepareho lang kaming mga lalake -- manloloko. Pero sa pagkakataong ito, handa akong patunayan na mali ang pananaw mo. Na kahit hindi mo ako kilala at ganon din ako sa iyo, hindi ko magagawang manloko.

Sabi mo uuwi ka na lang sa Maynila. Eksakto rin namang papunta ako sa lugar na iyon, kung kaya't sabay tayong bumiyahe. 

Sa loob ng bus, habang nilalaro ng mga ilaw ang mga mata mo, habang hinahampas ng malamig na hangin ang iyong mga pisngi, ay makailang ulit na gumulong ang nangingilid na likidong napagpalabo sa iyong mga paningin. Wala akong nagawa kundi pakinggan na lang ang bawat hinanakit na sinasambit mo. Pambihira talaga, nakailang beses na bang nangyari sakin to? Na bigla-bigla na lang may babaeng umiiyak sa tabi ko. Ni halos wala na nga akong oras para problemahin ang lovelife ko, tapos ganito pa ang nangyayari sa paligid ko.

Kailangang kayanin mo. Darating din naman siguro ang araw na kapag naghilom na ang sugat, babalik na ulit ang buhay mo sa dati. Payak. May mga bagay talaga na kahit binigyan mo ng panahon para lang dumating sa buhay mo, sa bandang huli, kailangan mo pa ring kalimutan dahil marahil hindi itinadhanang para sa iyo.  At ang lahat ng mga nangyari ay magiging isang alaala na lang. Maaaring balikan ng utak pero di na muling mararamdaman.


Sto .Tomas / Cabuyao Road, Benguet

No comments:

Post a Comment