Monday, May 27, 2013

- ULAN -

nagmamadali na akong lumabas ng bahay. late na kasi ako sa usapan namin ng mga kasama ko. sakto namang bumuhos ang malakas na ulan at wala rin akong magamit na payong. di ko magamit ang motor ko, kasi wala rin akong kapote. bahala na. di bale nang mabasa, basta makarating ako sa napag-usapang lugar sa lalong madaling panahon. at saka isa pa, ayon sa saligang batas na pinauso ng katropa ko, di daw gumagamit ng payong ang tunay na lalaki. adik lang e, hindi mo naman siguro masususukat ang pagkalalaki ng isang tao dahil lang sa payong.... kunsabagay, kahit ako, ayoko rin namang gumamit ng payong.

huminga pa nga ako ng malalim, sabay humarurot ng takbo papunta sa sakayan ng jeep. malapit nako sa kanto ng Rimando nang napansin kong may isang dilag na nakatayo sa may waiting shed.... nakadilaw. maganda. basa na rin tulad ko at hinhintay tumigil ang ulan. tumingin siya sakin... at gaya ng dati, tumigil ulit ang mundo ko dahil sa mga titig nya. muntik pa nga akong madapa. sa mga mata talaga ako unang nabibighani. napatigil tuloy ako sa pagtakbo, at wala akong pakialam kahit mabasa pako. nagkatinginan kami ng matagal. di ko alintana ang mga patak ng ulan. para tuloy gusto kong sabhin sa kanya na baka ako na ang tunay na pagibig na hinihintay nya doon sa waiting shed. kaso di ako makapagsalita dahil sa kagandahang itinambad sakin ng tadhana sa mga sandaling yun.

tumigil ang ulan. dumungaw ang araw. di man kami nagusap, pero ramdam ang tahimik na pamamaalam namin sa isa't isa.

parang telenobela lang e, pero seryoso. kung sa bawat pagpatak ng ulan ay ganito kagandang nilalang ang makikita ko,  masaya akong lulusong kahit pa sa malakas na bagyo.


Holy Ghost Barangay, Baguio City

Friday, May 24, 2013

- PUSTISO -

"Pinagpapala ang mga nagtitiis! I'd rather walk than pay!" - naalala ko muli ang lakas loob na biglang sabad ng isang lola sa loob ng sinasakyan naming jeep habang binabaybay ang kalsada ng Bonifacio dito sa Baguio, mga higit tatlong buwan na ang nakararaan. Komento nya yon dahil sa narinig na balita sa radyo tungkol sa taas ng presyo ng mga bilihin. Tameme kaming lahat na kapwa pasahero habang pinapanood ang lola na sa sa tindi ng pagkakasabi ng katagang yaon ay muntik nang tumilapon ang pustiso nya sa harap ko.

Hanggang kailan nga ba tayo magtitiis? Bakit ba kasi kailangan pa nating magtiis? Hanggang kelan ko idadahilan ang dahilan kung bakit hindi ako makapag-asawa ay dahil sa kadahilanang mataas ng presyo ng galunggong?

Teresa Public Market, Teresa, Rizal

Thursday, May 23, 2013

- ANG KWENTONG HINDI MAIKWENTO -

Darating yung araw na ang lahat ng nakasulat sa isip ko ay mapapantayan ko din ng tamang salita para gawan ng isang magandang kwento. Yung kwento nating dalawa, kung paano tayo unang nagkakilala at kung bakit ikaw ang gusto kong makasama. Kung paano ako matulala sa iyong mga titig. Kung paano ako nawawala sa aking sarili kapag nakikita kita. Sana walang makikisawsaw, walang makikialam. Yung masasabi ko sa buong mundo na ako'y sa iyo at ika'y akin lamang. Tayo ang aayos ng sarili nating problema kung magkaroon man, parehong ngingiti dahil kinikilig, at sabay na aabutin ang mga pangarap.

Sabi ko pa nga dati di ba, handa kong ipagsigawan sa buong mundo kung gaano kita kamahal at kung gaano kita kayang ipaglaban. Pero anong silbi ng pagsigaw ko kung wala namang ibang makikinig kundi tayo? Ano pang halaga ng paghiyaw ko kung di rin lang naman tayo kayang intindihin ng ibang tao? Mapapaos lang ako. Sasabihin lang nilang nasisiraan tayo ng ulo.

Gustong gusto kong ikwento ang pinakamagandang kwentong meron ako sa ngayon. Madaling simulan sa “Noong unang panahon..” pero napakahirap kapag dumating sa puntong kelangan ko nang itigil dahil tapos na ang ating kwento. Mas mabuti na siguro yung ganito, yung parang hindi matapos tapos dahil mas pinili nating wag munang umpisahan para hindi tayo magkagalos.


Antipolo  Cityc

Wednesday, May 22, 2013

- NATURAL GPS -


malalaman mo na lang na malapit ka na sa pupuntahan mo kung nakikita mo nang nagpupulbos, nagme-makeup at nagaayos ang mga babaeng pasahero sa loob ng bus......


oha, anong sinabi ng GPS?? 



Tublay, Benguet

- BULALO -


ginutom ako..... at ang tanging nakita kong makakatulong upang mawala ang nagwawalang halimaw sa bituka ko ay ang isang maliit na bulaluhan... sa tabi ng lumang sementeryo.... nawala gutom ko... ^^


Paterno Caves, Benguet

Tuesday, May 21, 2013

- SAYOTE -


karpintero si tatay. alam natin pareho na hindi akmang sabihin na karpintero lang ang tatay ko. isang malakas na hampas iyon sa kanyang pagkatao. hindi tamang maliitin ang trabahong bumuhay sa akin, nagpakain, at nakapagpaaral sa loob ng mahabang panahon. hindi maaari dahil marangal na trabaho iyon.

hindi ko rin ikinakahiya yung mga panahong mas masarap pa ang ulam nung aso ng kapitbahay namin kesa sa tanghalian ko; o kaya yung kailangan nang pulutin ulit at lutuin ng nanay ko yung itinapon na bunga ng sayote na may ugat-ugat na dahil sa wala na kaming makain; mga panahong kahit nilalagnat e kailangan magbunot ng mala-basketball court na sahig ng kapitbahay makakuha lang ng pera pambili ng patis at kanin na babaunin sa eskwela.... ang galing nga eh, dahil sa milyunmilyong telenobela ng totoong buhay sa mundo, eto ang napiling parte ng script ng buhay ko. hindi lahat nakakaranas ng ganito, at yung iba nga e mas malala. pero kahit ano pa ang pagkaing nasa dulo ng esophagus mo, ang mahalaga e patuloy kang nabubuhay ng marangal sa mundo.

astig di ba? tara, magkape na tayo.....

 
Bangko Sentral ng Pilipinas, Manila

Monday, May 20, 2013

- SITAW -



"kuya, anong scientific name ng sitaw?" biglang tanong ng isang bata sa akin habang minamasdan ko ang asul na dagat. di ko alam kung bakit sa dinamidami pa ng pwedeng itanong e yun pa ang tinanong ng di ko kilalang bata na yun. kaya imbis na marelaks ako sa aking pamamasyal sa dagat, na-stress tuloy ako dahil di ko masagot ang tanong at wala man lang internet connection sa lugar na iyon para maitanong ko rin sana kay pareng google. ayun tuloy, baka dumaan na pala sa harap ko ang tunay na pag-ibig, di ko man lang napansin dahil sa kaiisip sa sagot sa tanong na yun.... pambihira. 


Seapark Beach, San Fernando, La Union

- SULYAP -



isang sulyap mo lang sakin, buo na ang linggo ko. at pakiramdam ko, wala nang problemang makahahadlang sa akin sapagkat ako'y sintigas na ng bakal, sintibay ng bato, at sintatag ng isang blokeng semento.

... astig. pahingi nga ng kape.

Tublay, Benguet